International Research Conference for Globalization and Sustainability

August 14-16, 2012, Sarabia Manor Hotel, Iloilo City Philippines

Paggamit ng wikang Filipino sa Pasalitang Pakikipagtalastasan Ng mga Mag-aaral sa Kalinga-Apayao State College

Submitted by: Janette P. Calimag Email: janette_calimag@yahoo.com
University/Organization: Kalinga-Apayao State College Location: Bulanao,Tabuk City

PAG-UULAT NA PANANALIKSIK
“ANG PAGGAMIT NG WIKANG FILIPINO SA PASALITANG PAKIKIPAGTALASTASAN NG MGA MAG-AARAL SA UNANG TAON NG INSTITUTE OF ARTS AND SCIENCES NG KALINGA-APAYAO STATE COLLEGE”

Ni
Janette P. Calimag
Buod
Ang pag-aaral na ito ay tungkol sa kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon ng Institute of Arts and Sciences ng Kalinga-Apayao State College ,taong panunuran 2011-2012.
Ang pag-aaral na ito ay gaganapin sa lahat ng mga mag-aaral sa unang taon ng ng Institute of Arts and Sciences ng Kalinga-Apayao State College na siyang pagkukunan ng datos at pagtutuunan ng pansin.
Sa pag-aaral na ito,upang makalikom at makakuha ng mga datos ang mananaliksik,gumamit ng talatanungan bilang instrument o kasangkapan ng mga datos. Ang talatanungang ito ay maglalaman ng mga tanong batay sa katotohanan upang sa ganoon ay makakuha ng sapat na impormasyon tungkol sa kalagayan ng mga tagatugon.
Ang talatanungang gagamitin ay may dalawang bahagi.Ang unang bahagi nito ay ang mga katanungan tungkol sa katangiang personal ng mga tagatugon. Ang ikalawang bahagi naman ay mga katanungan tungkol sa kasanayang pagpapahayag na pasalita ng mga mag-aaral sa uang taon at ang antas ng mga kalalang suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa pagpapahayag na pasalita.
Maliban sa talatanungan, makikipanayam din ang mananaliksik sa mga tagatugon upang matiyak ang katapatan ng kanilang mga sagot.
Upang makabuo ng talatanungan,ang unang hakbang na ginawa ng mananaliksik ay ang pagbasa ng iba’t-ibang aklat at lathalaing nauukol sa kasanayang pagpapahayag Filipino. Ang mga yaring tesis ay di-kinaligtaang bigyang pansin lalo na sa mga tesis na may kaugnayan sa kanyang pag-aaral para sa karagdagang kaalaman at impormasyon kung paano at ano ang ilalagay sa talatanungan.Inihango rin niya ang ilang katanungan sa tesis ni Sadao tungkol sa kakayahang pagsalita ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan ng Calanasan Apayao.
Ang mananaliksik ay nakipanayam din sa mga ilang guro na nagtuturo sa Filipino,gayon din na hihingi ng payo sa ilang guro na nakapagtapos na sa pag-aaral sa gradwado at tagamasid at sususriin ang mga pala-palagay ng mga guro sa klase tungkol sa kalagayan ng pagtuturo sa asignaturang Filipino.Sumangguni rin siya sa kanyang tagapayo para mapaunlad ang ginawang talatanungan.Ang katanungang binuo at isinagawa ay dumaan sa maraming pagbabagu-bago at pagsasaayos hanggang sa maging akma at angkop sa isinagawang pag-aaral.

Layunin ng mananaliksik na matuklas ang paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon ng Institute of Arts and Sciences ng KASC.Ang matuklasan ang antas ng kasanayan sa paggamit ng Wikang Filipino sa Pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral .Ang matuklasan ang antas ng kalalaan ng suliranin sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral.

Kabanata 1

PANIMULA

Ang tao, bukod sa talino ay ganap na biniyayaan ng Diyos ng kakayahang makapagsalita.Anupat ang naging saltik ng kanyang dila ay tinawag na wika.Ang wikang sapul nang matutuhan niyang sambitin ay naging napakahalaga kahit ito’y naging isang pinak-karaniwang gamitin niya sa araw-araw dahil ito ang nag-uudyok sa kanyang makipagkapwa.
Ngunit ano man ang iyong nakagisnang wika marapat lamang na tangkilikin natin at gamitin ang ating wikang pambansa sapagkat dito nagsisimula ang pagkakaugnay-ugnay at pagkakaisa ng mga mamamayan ng isang bansa.
Higit kanino man ang naging Pangulong Manuel Luis Quezon ang lalong masigasig at walang pag-aatubili sa pagpupunyagi’t pagtataguyod upang magkaroon ng Wikang Pambansa.Sa kanyang walang kapantay na pagsusumikap, siya’y tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa.”kalabisan nang liwanagin pa”anya “ang pahayag na ang isang bayang bumubuo sa isang kabansaan at isang estado ay magkaroon ng isang wikang sinasalita at nauunawaan ng lahat. Ito’y nasa pinaka-matibay na buklod na bumubigkis sa bayan at nagpapaunlad sa ipagkakaisa ng mga pambansang mithiin, lunggati at damdamin.
Ang pagkakroon ng isang Wikang Pambansa ay malinaw na nakasaad sa saligang batas 1978 ay matiyak na tadhana tungkol sa wika at ito ay matatagpuan sa Artikulo XIV,Seksyon 6 at Seksyon 7.
Ang wikang pambansa ng Pilipinas,samantalang nalilinang,ito’y dapat ipagyabang at pagyamanin sa umuunlad na Wika sa Filipino at ibang Wika. Alinsunod sa mga tadhanang batas at sang-ayon sa nararapat na maaring ipasya ng kongreso,dapat maghanda ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang panturo sa alinmang edukasyon.Seksyon 7,ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo,ang opisyal na wika sa Pilipinas ay Filipino at hanggang ang batas ay hindi pa nagtatadhana ng iba.
Maraming mga hakahaka at katanungan kung bakit tinawag na Filipino at hindi Pilipino.Nakagisnan na nating Pilipino ang wikang pambansang itinuturo sa mga paaralan.Lahat ng mag-aaral ay inaasahang gumamit ng wikang ito.
Marami ang tumututol dito sapagka’t ang Pilipino na siyang Wikang Pambansa ay batay lamang sa Tagalog.Kung gayon ang Pilipino’y di-angkop sa buong Pilipinas sapagkat mayroon tayong Ilokano,Bikolano,Bisaya at iba pang pulutong ng mga etniko na hindi naman natin maipagkakaila na sila’y di mga Pilipino.Sa paggamit ng Pilipino na batay sa Tagalog,ang mga di-Tagalog ay nakadarama ng damdaming kakulangan o ng damdaming napapailalim sa mga Tagalog. Nadarama nila ang panibugho na sila’y dayuhan sa isa’t isa.
Lubhang mahalaga ang bagay na ito kaya’t noong Kombensiyong Konstitusyonal noong 1971, isang probisyon tungkol sa Wikang Pambansa ang pinagtibay (Nobyembre 31, 1972). Ayon dito, ang kapulungang Bansa ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at paggamit ng Wikang Pambansa na kikilalaning Filipino. Sa bagay na ito, ang dating Pilipino na siyang Wikang Pambansa ay tinatawag nang Filipino ngayong napagtibay na ang Bagong Saligang-Batas.
Isang paraang unibersal ng pagpapaunlad ng Filipino ang iminungkahi ng mga lingguwista ng U.P. 9C.Lopez,E. Constantino,G.G. Paz at E.Cruz). Inaasahang ito’y magiging katugunan sa suliranin ng Pilipinas sa Wikang Pambansa.Ang “universal approach” na gagamitin ay naglalayong magpaunlad ng wikang pambansa para sa Pilipinas na hindi lamang batay sa Tagalog, kundi batay sa maraming wikain ng Pilipinas kasama ang mga salitang banyaga na naging bahagi na ng ating Wikang Pambansa. Ang paraang ito’y nagpapakita ng pagiging dinamiko ng isang wika. Di-lamang iisa ang dapat maging estilo tulad ng Tagalog;di-dapat maging “rigid”, artipisyal at panlibro lamang ang isang wika.
Sa pamamagitan ng Filipino bilang wikang panturo tayo’y higit na nagkakaunawaan bilang mga mamamayang Pilipino – Tagalog,Ilokano,Bisaya,lahat! Ang Ingles din ay wikang panturo ilan pang panahon. Magiging “foreign language” na lamang ito tulad ng Spanish.Sa sinasabing kailangan natin ang Ingles bilang kawing sa internasyonal na pamumuhay,dapat nating isiping ilan lamang porsiyento sa mga Pilipino ang nakikipag-ugnayan sa internasyonal na daigdig.
Sa mga kabataan ngayon ano ba ang istatus ng paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan? Gaano ba kadalas gamitin ito? kadalasan dahil sa hindi paggamit ng wikang Filipino unti-unti itong nawawalan ng saysay,at nahihirapang bigkasin ng mga salita lalong-lalo na sa larangan ng pagsasalita gamit ang wikang Filipino.Naniniwala akong ang isang wika hindi man ito ang iyong nakagisnan o nakasanayan basta ito ay madalas at mula sa pusong paggamit at pagmamalaki natututunan natin at nagiging kaaya-aya ito sa pandinig nino man. Nagkakaroon lamang tayo ng suliranin ng paggamit ng wikang Filipino sa pakikipagtalastasan sa kadahilanang mas naiimpluwensyahan tayo ng banyagang salita at dahil dito ito na ang mas lantaran at kilala at mas nakakapalagayang loob na gamitin .Hindi masamang matutuhan ang banyagang salita gaya ng Ingles kung ito ay ginagamit lamang natin na pangalawang wika at nangunguna parin ang wikang Filipino.
Ang suliranin ng Wikang Pambansa at ng wikang Ingles ay di napakapayak o hindi suliranin lamang ng kung dapat o hindi dapat isali ang imno nasyonal sa Wikang Pambansa.Hindi suliranin lamang ng sa kung Ingles o sa Tagalog dapat umawit ang isang lumalahok sa paligsahan ng Hamon sa Kampeon o sa Tawag ng Tanghalan.
Ang suliranin ng dalawang wika’y may malalim na kahulugan sa ating mga pagsisikap na pambansa.Sa ating ekonomiya,pulitika,lipunan,edukasyon,kultura,at panitikan.
Totoo na ang pagkatuto ng ating mga mamamayan ng mga wikang Ingles at Kastila ay nagbukas sa kanila ng naiibang daigdig at ng mabibihirang mga pagkakataon sa buhay. Ngunit ang mga biyayang ito’y sampatak na tubig lamang sa gitna ng dagat kung tatakalin. Ang suliraning nilikha ng abneturang ito’y nauwi sa bitak ng panahong nakahaya sa gitna ng lisyang pananagano sa kasiyahan.
Ang paggamit ng mga nasa itaas ng Wikang Kastila,noong una, at ng Wikang Ingles, nitong mga huling panahon,ay lumikha ng guwang sa komunikasyon.Ito ang isang dahilan kung bakit ang pamahalaan ay di nauunawaan,sa kabila ng pagsisiskap nitong maihatid sa bayan ang mga impormasyong makatutulong sa unawaan, at sa pagpapaunlad ng katayuan sa buhay ng sambayanan,mangyari pa.Ang matataas na pinuno’y mga dayuhan sa kanilang mga kababayan. Gayon din ang nangyari at nangyayari pa sa mga palaisip na nagsasalita sa wikang malayo sa karanasan ng masa.
Sa kabilang dako,ang masa’y kapos sa kakayahan sa pakikipagtalakayan sa kanilang mga pinunong marurunong at naghahawak ng pagpapasya. Kinakailangan
“Ang Wikang Filipino”, ani Pangulong Ferdinand E. Marcos,”ay para sa ating pambansang pangangailangan – bilang buklod sa pagkakaisa at tatak n gating kaangkinang pambansa at ang Ingles ay para sa ating kaangkinang pambansa at ang Ingles ay para sa ating pakikipagtalastasang pandaigdig.”
Dahil dito,lahat ay dapat isaisip ang sinabi ni Gat Jose Rizal,”Ang wika ay siyang kaluluwa ng bansa” Ang Wikang Filipino ay pambansang kaluluwa. Ito ay nagpapakilala na tayo’y tunay na mga Pilipino.

IV. Kahalagahan ng Pag-aaral
Ang pag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan sa mga mag-aaral sa Institute of Arts and Sciences ay pakikinabangan ng mga sumusunod.
Sa mga Administrador: Bilang tagaamahala ng akademya,ang resulta ng pananaliksik na ito ay magsisilbing gabay sa lalong ikabubuti at ika-uunlad hindi lamang ang paaralan bagkos higit sa lahat sa mga guro.
Sa mga Magulang: Ang pananaliksik na ito ay nagsisilbing instrumento kung ito ay susundin at gagamitin ng wasto sa lalong pagpapayabong ng wikang Filipino.Sa ikakabuti ng kanilang mga anak.
Sa mga Mag-aaral: Layunin nitong ipadama sa kanila ang tunay na kahalagahan ng Wikang Filipino bilang pagkakakilala ng pagka-Pilipino.
Sa Mga Guro ng Filipino: Ang kalalabasan ng pag-aaral na ito ay magiging pangganyak sa kanila sa pagtuturo upang lalong maging epektibo ang pamamaraan at istratehiyang ginagamit sa pagtuturo ng Filipino para sa ika-uunlad ng mga mag-aaral sa larangan ng pasalitang pakikipagtalastasan gamit ang Wikang Filipino.
Sa Mananaliksik: Ang kalabasan ng Pag-aaral na ito ay nagsisilbing gabay sa pagpili ng kanilang istratehiya, pamamaraan at mga karagdagang gawaing mag-aaral para sa dekalidad na serbisyo para sa kanilang mga mag-aaral.

Pamamaraang ginamit
Ang pag-aaral na ito ay ginamitan ng paraang paglalarawan o kaya ang “descriptive method”.Matiyagang naglikom ng mga impormasyon at masuring mabuti ang mga kalagayan ng mga mag-aaral ukol sa kanilang kasanayan sa pagpapahayag ng pasalita sa mga mag-aaral sa unang taon ng Institute of Arts and Sciences ng Kalinga-Apayao State College.
Layunin ng mananaliksik na matuklasan ang mga impormasyon at masuring mabuti ang tungkol sa natatanging katangian ng mga mag-aaral, ang natatanging kasanayan sa paggamir ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral at matuklasan din ang antas ng kalalaan ng suliranin sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan mga mag-aaral.

Konseptwal na Balangkas
Ang mananaliksik ay naniniwala sa konseptong ang taong sanay at mahusay sa pagsasalita ay magtatagumpay at magdudulot ng kaunlaran sa lahat ng aspekto ng buhay.
Samakatwid, kailangan nating pag-ibayuhin ang kaalaman sa pagpapahayag na gamit ang wikang Filipino upang mayroon tayong malilikom na mahalagang impormasyon, ideya o kaisipan na siyang tulay ng ating paghakbang tungo sa ikatatagumpay ng buhay.Kailangan maiagpang an gating kaisipan at pag-uunawa sa mabilis na takbo ng panahon at mga nagaganap sa ating kapaligiran.Kailangan ding mag-ibayo an gating kasanayan upang maharap ang hamon ng mga pagbabago at kaunlaran.

Ang kabataan ang pag-asa ng ating bansa sa hinaharap.Dahil dito kailangan ng bawat mag-aaral na matutuhan ang mabisang pakikipagtalastasan sa paraang pasalita. Pahusayin ang mga kasanayang ito upang mapabilis ang pag-usad ng pagkatuto sa larangan ng komunikasyon.Hindi kaila sa atin na ang mag-aaral na palasalita ay matatag ang kalooban at mahilig makihalubilo sa kapwa. Samantalang ang mag-aaral na hindi nalinang ang kakayahan sa pakikipagtalastasan ay mahiyain at kung maari ay ayaw makipag-ugnayan sa kapwa. Ang kawalang kakayahang ito ng pangkaraniwang mag-aaral ay umaapekto sa lahat ng sitwasyon sa buhay nila buhat sa tahanan,sa paaralan,sa simbahan,sa komunidad,sa lipunan at maging sa labas ng bansa.Malungkot na isipin na hindi aangat ang buhay ng ganitong uri ng mag-aaral. Anupa’t naiiwan sa pag-unlad.

Sa araw-araw na Gawain ng tao, lumilitaw ang pakikipagtalastasan o pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa.Tulad halimbawa sa loob ng silid-aralan ang pagpapaliwanag ng guro ng mga aralin habang nakikinig ang mga mag-aaral sa kanya at pagkatapos ay magkaroon ng inter-aksyon batay sa paksa na kung saan ang guro ay magtatanong at ang mag-aaral ay sasagot. Ito ay isang pakikipagtalastasan. Gayun din naman sa lansangan o sa palengke, ang transaksiyon na nagaganap sa mga mamimili o sa mga nagtatanong upang magkaroon ng ugnayan, ito ay isang paraan ng pakikipagtalastasan. Sa tanggapan o sa opisina ng mga kawani at kung may mga kliyente silang kapapanayamin o kakausapin, ito ay isang pakikipagtalastasan.Ito ang nagpapatunay na ang pakikipagtalastasan ay isang gawaing pang-araw-araw.

Ang mabisang pakikipagtalastasan ay maaring makapagpabago ng isang paninindigan o kilos at maari ring makahikayat ng paninindigan gaya ng mga kandidatong nagbibitiw ng mga magagandang pangako upang makuha ang panig ng mga tagatanggap ng mensahe. Ito rin ay nakakatulong sa pagbuo, pag-unlad pagbabago at pagkalikha ng maayos at mataas na antas ng ugnayan ng isipan,damdamin at saloobin.Ito ay sining ng pagpapahayag na may kaugnayan sa pagiging, malikhain sa paggamit ng wika na may kaayusan at kawastuhan at paglinang sa mga kasanayang pakikinig,pagsulat,pagbasa at pagsasalita.Lahat ng mga ito, samakatwid ay nagpapatunay na ang mabisang pakikipagtalastasan ay proseso ng paghatid ng kaalaman,ideya o mensahe kung saan ang tagapakinig ay lubos na nakauunawa sa kahulugang nais ipahatid ng lubos na nakauunawa sa kahulugan ng nais ipahatid ng nakikipagtalastasan.

Ang pagsalita ay ginagawa upang maipahayag ang mga ideya at kaisipan sa kapwa sa ibat-ibang kadahilanan,maaring nagsasalita tayo o nagsusulat upang maiparating ang mahalagang impormasyon at mensaheng nais nating ibahagi upang hindi tayo magsisi kung sakaling hindi natin naiparating gamit ang ating nagiisang wikang pambansa ang wikang Filipino na siyang sumasalamin sa pagiging isang tunay na Pilipino.
Sa pag-aaral na ito ang naging malayang baryabol ay ang antas ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan at ang antas ng kalalaan ng suliranin sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan.
Ang di- malayang baryabol ay ang paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon ng Institute of arts and Sciences ng Kalinga-Apayao State College.
Samantalang ang moderator na baryabol ay ang kasarian,antas ng pamumuhay at kaligiran ng mga mag-aaral.

MALAYANG BARYABOL
1. Antas ng kasanayan ng paggamit ng Wikang Filipino sa pasalitang Pakikipagtalastasan.

2. Antas ng kalalaan ng suliraning nararanasan ng mga mag-aaral sa Paggamit ng Wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan.
.

DI-MALAYANG BARYABOL

ANG Paggamit ng Wikang Filipino sa Pasalitang Pakikipagtalastasan ng Mga Mag-aaral sa Unang Taon ng Institute of Arts and Sciences ng Kalinga-Apayao State College

MODEREYTOR NA BARYABOL

A.Kasarian
B.Antas ng Pamumuhay
C.Kaligiran

Figure 1: Ang Paradima ng Pag-aaral

PAGLALAHAD NG SULIRANIN
Ang pag-aaral na ito ay naglalayong masiyasat ang antas ng Paggamit ng Wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon ng Institute of Arts and Sciences ng Kalinga-Apayao State College.

Inihahanap ng mga akmang kasagutan ang mga sumusunod na katanungan:
1. Ano ang antas ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon?
1.1 Mayroon bang makabuluhang pagkakaiba ang antas ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon ayon sa modereytor na baryabol?
2. Ano ang antas ng kalalaan ng suliranin ng mga mag-aaral sa paggamit ng Wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan?
2.1 Mayroon bang makabuluhang pagkakaiba ang antas ng kalalaan ng suliranin ng mga mag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa unang taon ayon sa modereytor na baryabol?

Walang Bisang pala-palagay

Ang mga sumusunod na walang bisang pala-palagay ay siyang nagbibigay patnubay sa pag-aaral na ito.
1. Walang makabuluhang pagkakaiba ang antas ng kasanayan sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral ayon sa kasarian,antas ng pamumuhay at kaligiran.
2. Walang makabuluhang pagkakaiba ang antas ng kalalaan ng suliranin sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral ayon sa kasarian,antas ng pamumuhay at kaligiran.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Ang pag-aaral sa paggamit ng wikang Filipino sa pasalitang pakikipagtalastasan sa mga mag-aaral sa Institute of Arts and Sciences ay pakikinabangan ng mga sumusunod.
Sa mga Administrador: Bilang tagaamahala ng akademya,ang resulta ng pananaliksik na ito ay magsisilbing gabay sa lalong ikabubuti at ika-uunlad hindi lamang ang paaralan bagkos higit sa lahat sa mga guro.
Sa mga Magulang: Ang pananaliksik na ito ay nagsisilbing instrumento kung ito ay susundin at gagamitin ng wasto sa lalong pagpapayabong ng wikang Filipino.Sa ikakabuti ng kanilang mga anak.
Sa mga Mag-aaral: Layunin nitong ipadama sa kanila ang tunay na kahalagahan ng Wikang Filipino bilang pagkakakilala ng pagka-Pilipino.
Sa Mga Guro ng Filipino: Ang kalalabasan ng pag-aaral na ito ay magiging pangganyak sa kanila sa pagtuturo upang lalong maging epektibo ang pamamaraan at istratehiyang ginagamit sa pagtuturo ng Filipino para sa ika-uunlad ng mga mag-aaral sa larangan ng pasalitang pakikipagtalastasan gamit ang Wikang Filipino.
Sa Mananaliksik: Ang kalabasan ng Pag-aaral na ito ay nagsisilbing gabay sa pagpili ng kanilang istratehiya, pamamaraan at mga karagdagang gawaing mag-aaral para sa dekalidad na serbisyo para sa kanilang mga mag-aaral.

Category: Abstract