Napuno ng talento, palakpakan, at hiyawan ang NAB Function Hall sa ikatlong araw ng University Days 2025, Enero 29, kung saan ipinamalas ng mga kalahok mula sa iba’t ibang kolehiyo at kampus ang kanilang husay sa deklamasyon.
Isa sa labing-apat na kalahok si Joedel Nollaga mula sa College of Communication, na nagbigay-buhay sa piyesang Totoy, Ang Gymnast. Taglay ng kanyang pagtatanghal ang makapangyarihang mensahe na hindi dapat nakatali ang pangarap ng isang tao sa kanyang kasarian. Itinampok niya ang kwento ng isang anak na mas piniling maging gymnast sa halip na sundin ang kagustuhan ng kanyang ama na maging basketbolista.
Ayon kay Nollaga, iniaalay niya ang piyesang ito sa mga taong nakararanas ng diskriminasyon dahil hindi tanggap ang kanilang tunay na pagkatao at hindi ito naaayon sa mga itinakdang pamantayan ng lipunan.
Sa kabila ng kaba, masaya at magaan sa loob ni Nollaga ang kanyang pagtatanghal, lalo na’t batid niyang may mga nakarelate sa kanyang mensahe. Higit pa sa isang patimpalak, naging layunin niyang hikayatin ang madla na ipagmalaki ang kanilang kasarian at ipaglaban ang kanilang mga pangarap.
Hindi naging madali ang kanyang paghahanda. Aminado siyang hindi siya sanay sa pagsasaulo ng piyesa at nakaugalian niya ang pagdaragdag o pagbabawas ng linya. Sa entablado, may mga bahaging kanyang nakalimutan, ngunit matagumpay niyang nairaos ang pagtatanghal sa pamamagitan ng pag-improvise.
Sa husay niyang magpalit ng emosyon at karakter, pati na rin sa malinaw at makapangyarihang pagbigkas ng bawat linya, umani siya ng paghanga mula sa mga manonood. Higit pa sa isang palabas, ang kanyang pagtatanghal ay nagbigay-inspirasyon sa iba—isang paalala na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa pagtanggap ng iba kundi sa pagtanggap at pagpapahalaga sa sariling pagkatao.
Sa pagtatapos ng kanyang pagtatanghal, isang mahalagang aral ang iniwan ni Nollaga sa entablado: “Ang pagiging totoo sa sarili ay ang tunay na tagumpay.”
Kwento nina paula Yvonne Alavarta at Hershi Loryn Fusin/Specialized Beat Reporting Class sa ilalim ni Dr. Hazel P. Villa
Inedit ni Christine Joy Badinas/SILAK Media
Larawan ni Paula Yvonne Alavarta/Specialized Beat Reporting Class sa ilalim ni Dr. Hazel P. Villa
![word press watermarks (4)](https://wvsu.edu.ph/wp-content/uploads/2025/02/word-press-watermarks-4-1024x682.jpg)