Sa isang malamig at tahimik na silid-aklatan, tila nag-aapoy ang hangarin ng mga makata mula sa iba’t ibang kolehiyo at kampus ng West Visayas State University (WVSU) na ipamalas ang kanilang husay sa pagsulat. Isa sa mga natatanging kalahok ay si Vandrix Presbitero, isang mag-aaral sa ikalawang taon ng Bachelor of Arts in Broadcasting (BAB), na buong puso’t dangal na kumatawan sa College of Communication (COC). Ang patimpalak na may temang “DIGAMO sa West: Discovery and Innovation for Meaningful Growth and Opportunities” ay nagbigay-daan upang maipahayag ng mga estudyante ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng sining, gaya na lamang ng pagsulat ng tula.
Sa likod ng malikhain niyang panulat, nakatago ang isang di-malilimutang alaala ng kabataan—mga romantikong akda at tula na nagsilbing pintuan sa mas malalim niyang pagmamahal sa pagsusulat. Ang mga akdang ito ang nagtulak sa kanya upang gawing sandigan ang pagsusulat, isang salamin ng kanyang pananaw sa buhay. Para kay Vandrix, ang pagsusulat ay higit pa sa mga salita—ito’y isang daan upang maipahayag ang damdaming mahirap bigkasin, isang daluyan ng emosyon at pananaw na puno ng lalim.
Ang mga alaala at inspirasyong ito ang siyang nagtulak sa kanya upang sumabak sa mas mataas na antas ng sining. Mula sa simpleng pagkahilig sa pagsusulat, naglakas-loob siyang sumali sa mga patimpalak, hanggang sa dumating ang araw na naging kinatawan siya ng kanyang kolehiyo sa isang prestihiyosong kompetisyon. Sa isang sulok ng silid-aklatan, tangan ang papel at panulat, tila may mahika sa kanyang mga kamay habang sinusulat niya ang kanyang obra.
Pinamagatan niyang “Alab ng Paso” ang kanyang piyesa, isang masalimuot ngunit makabagbag-damdaming alegorya. Ipinaliwanag ni Vandrix na ang paso ay sumisimbolo sa bawat estudyante, habang ang alab ay kumakatawan sa pagmamahal at determinasyon bilang mag-aaral.
Araw-araw, sa kabila ng mga pagsubok—pagod, puyat, at minsan pagkadismaya sa mga mabababang marka—patuloy pa ring bumabangon at sumusubok. Bilang mga estudyante mula sa West, madalas panghinaan ng loob, lalo na kapag nararamdamang hindi sapat ang mga pagsisikap. Ngunit ang mensahe ni Vandrix ay malinaw at buo: “Kapit lang.” Ang bawat salita sa kanyang tula ay paalala na huwag sumuko, kahit pa ang landas ay puno ng balakid.
Sa gitna ng kompetisyon, dama ang tensyon sa hangin—halo-halo ang emosyon ni Vandrix. May takot at kaba, ngunit higit sa lahat, nangingibabaw ang saya at pasasalamat. Para sa kanya, ang pagkakataong maging kinatawan ng College of Communication ay isang malaking karangalan, isang patunay na ang kanyang pagmamahal sa pagsulat ay may kakayahang humaplos ng puso at magbigay-inspirasyon sa kaniyang mga kapwa estudyante at kalahok.
Nang tanungin kung anong bahagi ng kanyang piyesa ang may koneksyon sa kanyang sarili, sinabi ni Vandrix na sinulat niya sa kaniyang papel ang tanong na, “Kaya ko ba?” Tinanong niya rin ang kanyang sarili nito. Subalit pursigido siya at malaki ang tiwala niya sa kanyang kakayahan. Paulit-ulit niyang sinasabi ang mga katagang “Kaya ko ja! Kaya ko ja!” Hindi lamang sa oras ng kompetisyon, kundi pati na rin sa pagharap niya sa mga pagsubok na binabato sa kaniya ng tadhana. Patunay lamang na anumang balakid ang ibigay ng mundo, hindi ito rason upang sumuko at magpatalo na lamang. Kagaya ni Vandrix, lahat ng suliranin ay kayang malagpasan basta’t magpursigi at patuloy na magtiwala sa sarili.
Saysay ni Kenea Hope Dellava, Leigh Diane Mandado, DV Heart Lozada, at Sherylyn Mae Bonotano Specialized Beat Reporting Class under Dr. Hazel P. Villa
Inedit ni Christine Joy Badinas
Mga larawan kuna ni Kenea Hope Dellava/ Specialized Beat Reporting Class under Dr. Hazel P. Villa