WVSU pinalalakas ang paggamit ng Filipino sa opisyal na korespondensiya sa panlalawigang seminar

Pinangunahan ng West Visayas State University (WVSU) Sentro ng Wika at Kultura, katuwang ang Sentro ng Wikang Filipino, ang Panlalawigang Seminar sa Korespondensiya Opisyal 2026 na isinasagawa ngayong Marso 19–20, 2026 sa WVSU Center for Teaching Excellence.

Ang unang araw ng seminar ay dinaluhan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang institusyon sa sektor ng edukasyon at serbisyong pampubliko, na naglalayong paigtingin ang paggamit ng Filipino sa opisyal na komunikasyon.

Gamit ang temang “Palihan at Pagsasanaysay sa Korespondensiya Opisyal,” layunin ng seminar na palakasin ang paggamit ng Filipino sa akademya at sektor publiko, alinsunod sa Executive Order Blg. 335 na naghihikayat ng paggamit ng Filipino sa mga opisyal na korespondensiya at transaksiyon ng pamahalaan.

Binuksan ang aktibidad sa pagkilala sa mga kalahok mula sa iba’t ibang institusyon at eksternal na kampus. Ipinakilala ni Dr. Salvador P. Bacio, direktor ng WVSU Sentro ng Wika at Kultura, ang mga kalahok at mga imbitadong panauhin mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at binigyang-diin ang kanilang ambag sa pagsusulong ng wikang Filipino.

Kabilang sa mga nagbahagi ng talakayan ang mga kinatawan mula sa Sentro ng Wika at Kultura na si Alain Ruzz D. Gimzo ng Komisyong Hiligaynon; at Dr. Jose Elvie G. Duclay, tagapamahala ng SWK-Visayas, at kinatawan ng Komisyon ng Wikang Filipino na sina Atty. Marites Barrios-Taran, tagapangulo; at Dr. Carmelita C. Abduhraman, full-time komisyoner. 

Layunin ng seminar na pahusayin ang kasanayan ng mga kalahok sa pagsulat at presentasyon ng opisyal na korespondensiya sa Filipino upang maisulong ang mas epektibo at estandardisadong komunikasyon sa akademya at pamahalaan. Kasabay nito, binigyang-diin ang tungkulin ng KWF sa pagpapanatili at pagtataguyod ng wikang Filipino, pati na rin ng mga katutubong wika.

Magpapatuloy ang aktibidad bukas para sa ikalawang araw ng mga sesyon at karagdagang talakayan mula sa iba pang tagapagsalita.